
CAUAYAN CITY – Nagpasalamat ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association Incorporated (Philreca) sa ginawang pag-veto ni Pangulong Bongbong Marcos sa prangkisa ng Davao Light and Power Company.
Bineto ni Pangulong Marcos Jr. ang panukalang naglalayon na palawigin ang franchise area ng Davao Light and Power Company.
Ayon sa Pangulo, may umiiral na franchise ang North Davao Electric Cooperative Incorporated (NORDECO) sa expanded franchise area hanggang 2028 at 2033.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Philreca Partylist Representative Presley de Jesus na kapag naipasa ang panukalang batas ay tataas ang singil sa koryente dahil magiging isang pribadong kompanya na ito.
Sa private ay kailangan ang kita hindi tulad sa mga kooperatiba ng koryente na non-stock at non-profit dahil pag-aari ito ng mga member-consumers.
Saludo siya kay Pangulong Marcos dahil ang puso niya ay para sa mga mamamayan.
Natutuwa aniya ang mga member-consumers ng Northern Davao Electric Cooperative na na-veto ang pagiging pribado na ng Davao Power Light and Power.
Ayon kay Congressman de Jesus, nilikha ang Presidential Decree 269 o Rural Electrification Law para sa pagpapailaw sa mga kanayunan.
Maganda ang epekto nito dahil nanatiling non-stock AT non profit ang mga electric cooperative na nireregulate ng Energy Regulatory Commission (erc), Natonal Electrification Administration o (NEA) at Department of Energy (DOE).
Sinabi pa ni Congressman de Jesus na maganda ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na repasuhin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Hindi aniya pumasa ang mga naihaing panukalang batas tungkol dito sa mga nagdaang Kongreso.
Ngayong may marching order aniya si Pangulong Marcos ay tiyak na maipapasa na ito.




