CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng City of Ilagan Gay Association o CIGA ang ipinupukol sa kanilang hanay ng LGBT sa pagkalat ng monkeypox virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Peterson Patriarcha, presidente ng CIGA sinabi niya na napakasakit para sa kanilang hanay na nababanggit na naman sa pagkalat ng nasabing sakit.
Aniya dapat mag ingat ang lahat sa pagbibitiw ng salita tungkol sa kanilang hanay dahil hindi lang naman sa pakikipagtalik sa kaparehong kasarian naikakalat ang sakit kundi sa iba pang paraan at hindi lang din mga LGBT ang nakikipagtalik kundi lahat ng mga may asawa o partner sa mundo.
Nangyari rin umano ito noon sa sakit na HIV kung saan todo depensa na naman ang kanilang hanay.
Ang mahalaga aniyang gawin ng lahat ngayon ay ang mag ingat upang hindi ito kumalat sa bansa at huwag magsisihan.
SAMANTALA iginiit ng isang doktor na hindi nakamamatay ang monkeypox ngunit madaling maihawa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Dr. Mel Lazaro na ang monkeypox ay hindi nakakamatay at maaring magamot sa pamamagitan ng self medication at mawawala din sa katawan ng tao.
Ang monkeypox naman ay maituturing na highly transmissible kayat kinakailangang umiwas sa mga maysakit nito.
Ang kinapitan ng naturang sakit ay kinakailangang mag-isolate upang hindi makapanghawa.
Ayon kay Dr. Lazaro ang mga mayroong open wounds ay dapat umiwas na magkaroon ng direct contact sa mayroong sakit na monkeypox at ito rin ay naihahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa taong maysakit.
Kapag maganda ang resistensiya ng isang tao ay kusang gagaling ang monkeypox.
Ang ilang sa sintomas ng monkey pox ay pananakit ng ulo, pananakit sa likod o katawan, pagkakaroon ng rashes na kalaunan ay magtutubig.
Aabot anya ng labing apat na araw bago matuyo ang tubig sa rashes na palatandaang na simula na ng paggaling.
Upang makaiwas sa monkeypox ay kinakailangang palagiang maghugas ng kamay at umiwas sa maraming tao at iwasang magkaroon ng direct contact sa mayroong sakit na monkeypox.