CAUAYAN CITY – Natutuwa ang tubong Tabuk City, Kalinga na si Jerrold Mangliwan sa kanyang panalo ng gintong medalya sa men’s 400meter T52 sa athletics event ng 2022 ASEAN Para Games na ginaganap sa Surakarta, Indonesia.
Patuloy ang maningning na kampanya ng Team Philippines matapos mangwagi ng pitong gintong medalya tampok ang ilang record-breaking performances sa swimming competition.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Mangliwan na natutuwa siya na sa kanyang sariling paraan ay nakapaghatid ng karangalan sa bansa.
Alay niya sa mga kababayan sa Kalinga na biktima ng lindol ang napanalunang gintong medalya.
Mensahe niya sa mga kababayan na anuman ang mangyari ay huwag mawalan ng pag-asa kundi maging positibo lang ang pananaw sa buhay at kumilos para makabangon sa hirap na dulot ng lindol.
Ayon kay Ginoong Mangliwan, pinaghandaan nila ang kanilang pagsali sa mga laro 2022 ASEAN Para Games.
Nanalo na siya ng anim na medalya sa kanyang pagsali sa para games kasama ang dalawang bagong napanalunang gintong medalya.
Ginawa niya lahat ang kanyang makakaya para manalo ng gintong medalya.
Nagkaroon siya ng tiwala sa sarili at sa tulong ng mga coach ay nanalo ng 2 gold medal.
Malaking bagay aniya ang tulong ng pamahalaan para maganda ang kanilang performance.