CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Aritao Police Station ang unang impormasyon kaugnay sa kondisyon ng tsuper ng Victory Liner Bus na bumangga sa nakaparadang trailer truck sa Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Aritao Police Station, sinabi niya na nasa kritikal na kondisyon ang tsuper na si Armando Bautista, 58 anyos at residente ng Rosales, Pangasinan.
Unang ipinabatid ng investigator on case na si PCMS Allan Jalmasco ang umano’y pagkasawi na ng tsuper bagamat nang beripikahin ng pamunuan ay nalaman na inilipat sa Intensive Care Unit (ICU) si Bautista dahil sa paglala ng kanyang kondisyon.
Sa unang nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), nasawi matapos maipit sa harapan ng bus ang konduktor na si Clifford Adaro.
Ang tsuper ng trailer truck ay si Amor Feliciano, 40 anyos at residente ng Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kabilang sa mga nasugatan ang helper ng truck na si Ever Legarda.
Lumabas sa imbestigasyon ng Aritao Police Station na ang bus ay galing sa Roxas, Isabela at patungong Dagupan City, Pangasinan nang bumangga sa trailer truck na nakaparada at naka-hazard light sa gilid ng daan sa Bone South, bayan ng Aritao.
Sinabi ng isang pasahero na ilang minuto bago ang aksidente ay maayos pa ang takbo ng bus at sinita niya ang driver kung bakit nagpapagilid na ang bus ngunit hindi umimik kaya hinihinala nilang inatake siya ng altapresyon.
Nataranta ang mga pasahero nang makaamoy sila ng gasolina at sa pangambang sasabog ang bus ay binasag nila ang bintana para makalabas.
Ginagamot sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa Bambang, Nueva Vizcaya ang mga pasaherong nagtamo ng medyo malalang sugat habang nakalabas na ang mga nagtamo lamang ng minor injury.