--Ads--

CAUAYAN CITY – Suliranin ng ilang residente ng Barangay Dabburab ang mga dumptrucks na dumadaan sa kanilang lugar na nagiging sanhi ng pagkasira ng kalsada.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa isang concerned citizen, sinabi nitong mag-iisang buwan ng dumadaan sa Purok 5 o Purok sadiri ang nasa walong dumptrucks na tatlong beses pabalik balik sa kada araw.

Nagkakarga umano ang mga ito ng bato at buhangin mula sa Cagayan River na sakop ng Barangay Santa luciana.

Kapag dumadaan ang mga dumptruck ay nagdudulot  ng putik sa mga hindi pa sementadong kalsada at bahagya ring lumalalim ang mga butas ng mga kalsada.

--Ads--

Nagtungo mismo ang Bombo news team sa naturang lugar at nakita ang mga sira-sirang kalsada.

Inihayag din ng residente na si Ginang Pilar Corpuz ang hindi magandang dulot ng mga dumadaan na dumptrucks sa kanilang barangay.

Samantala, inihayag ni punong barangay Joseph Benigno ng Barangay Dabburab na problema nila ang kalsadang nasisira kaya naman naisangguni na niya ito sa tanggapan ng Vice Mayor at pinayuhan siyang gumawa ng resolution na limitahan ang ikakargang buhangin at bato sa mga dump truck at kanilang ipapasa ngayong araw.

Sinabi niya na nilalagyan o tinatabunan nila ng bato ang lumalim na butas ng mga kalsada at may Backhoe na rin na nag-aayos sa mga nilagay na bato ngunit dahil sa dami ng dumptrucks at bigat ng kargang buhangin at bato ay tiyak na masisira ang naturang kalsada.

Inihayag naman ni Punong Barangay Darwin Tolentino ng Barangay Santa Luciana na nakausap na niya ang mga tsuper ng mga dumptrucks na naghahakot ng buhangin at bato sa kanilang barangay na kada hapon ay tatabunan nila ng mga bato ang apektado at malalim na bahagi ng kalsada.

May darating ding grader ngayong araw upang ayusin ang pagkakalagay ng mga bato sa kalsada.