--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigit 5,000 ang mga taong nagtungo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Isabela sa Panlalawigang Kapitolyo sa Lunsod ng Ilagan sa unang araw ng pamamahagi ng Educational Cash Assistance.

Dahil sa dami ng mga tao at mainit na panahon ay mahigit 16 na tao kabilang ang isang buntis ang  nahimatay at itinakbo sa ospital.

Karamihan sa mga nahilo o  nahimatay ay  mga kabataan at senior citizen at ilan sa kanila ang hindi umani kumain ng agahan bago pumila.

May mga pumila na dakong alauna ng madaling araw.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, humingi ng paumanhin si  Asst. Regional Director France Lopez ng DSWD region 2

Sinabi ni ARD Lopez na  2,000 lamang ang kanilang inaasahang magtutungo para makakuha ng educational cash assistance ngunit umabot sa mahigit 5,000.

Dahil sa mga nahilo at nahimatay ay  minabuti ng DSWD na kunin na lamang ang mga requirements na dala  ng mga aplikante at gawin na lamang  bawat distrito ang pagbibigay ng ayuda upang maiwasan ang pagbuhos ng mga tao sa panlalawigang kapitolyo.

Magtatakda sila ng araw ng pagkuha ng cash assistance ng mga benepisaryo para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Kabilang sa mga tinatanggap na requirements ng DSWD ang certificate of enrollment at school ID.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga nahimatay na senior citizen na si

Jeofita Dela Cruz, residente ng Santa Maria, Isabela, sinabi niya  na dahil walo ang kanyang  apo na pawang nag-aaral at  nasa kanyang pangangalaga ay minarapat din niyang kumuha  ng educational assistance para sa kanila.

Ang kanyang mga apo ay kinabibilangan ng dalawang kolehiyo, dalawang senior high school, dalawang junior high school at dalawa sa elementarya.

Dahil sa pagod at mahabang pila bukod pa sa mainit ang panahon ay nahimatay ang lola at dinala sa ospital ngunit nasa mabuti nang kalagayan.