CAUAYAN CITY – Umabot sa 2,775 na pamilya o 10, 438 na individual sa 117 barangay sa region 2 ang naapektuhan ng bagyong Florita.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Michael Conag, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 na umabot pa sa 677 families o 2,187 individual ang nasa evacuation centers pa rin batay sa report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang kanilang bahay sa kanilang lugar ay inabot ng tubig baha at karamihan ay nailikas sa isinagawang preemptive evacuation sa mga bayan ng Maconacon, Divilacan at Benito Soliven, Isabela maging sa ilang bayan sa Cagayan.
Walang naitalang nasawi habang isa ang nasugatan matapos mabagsakan ng sanga ng punong kahoy.
Ayon kay Ginoong Conag, maituturing na human error at hindi bunga ng bagyo ang mga naganap na aksidente sa daan tulad ng pagbaliktad ng isang bus sa Naguilian, Isabela na ikinasawi ng mag-asawa.
Maayos ang mga pambansang lansangan ngunit may mga overflow bridges ang hindi madaanan.
Kabilang dito ang tulay sa Baggao, Cagayan na nasira ang approach.
HIndi rin madaanan kahapon ang Baculod overflow bridge sa Lunsod ng Ilagan at ang Cansan-Bagutari bridge sa bayan ng Cabagan, Isabela.
Naapektuhan din ng pagtaas ng tubig ang Aplaya municipal road sa Maconacon, Isabela kung saan naglandfall kahapon ang bagyong Florita.