CAUAYAN CITY – Nakipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga Local Government Units (LGU’s) para sa payout ng mga mabibigyan ng Educational Cash Assistance sa ikalawang rehiyon.
Wala nang walk-in kundi sa pamamagitan na ng online ang registration ang pagtanggap ng mga benepisaryo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Gaspar, Information Officer ng DSWD region 2, sinabi niya na simula kaninang umaga ay naglabas sila ng link para sa form na ginawa nila bawat lalawigan para mas madali ang sorting nila.
Prayoridad aniya ang mga nagpasa noong nakaraang Sabado at padadalhan sila ng text messages ngayong araw para sa schedule ng pagkuha nila ng cash assistance bukas.
Nilinaw ni Ginoong Gaspar na sa ilalabas nilang link ay irerehistro lang ang pangalan ng aplikante. Ang mga requirements ay dadalhin ng mag-aaral kapag mayroon nang schedule sa kanilang munisipalidad.