CAUAYAN CITY – Patuloy ang paalala ng Department of Education (DepEd) region 2 sa mga guro tungkol sa collection policy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Amir Aquino, Information Officer ng DepEd region 2 na palagi nilang ipinaalala sa mga paaralan ang nasabing polisiya.
Kung mayroon mang napagkasunduan na kontribusyon ang mga kasapi ng Parents Teachers Association (PTA) ay dapat boluntaryo at hindi sapilitan ang pagbibigay.
Ayon kay Ginoong Aquino, ang bilin ni Regional Director Benjamin Paragas ay gamitin ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan sa pagsasagawa ng aktibidad.
Kung walang available na pondo para sa aktibidad ay isagawa na lamang ang mga instructional activities.
Kung may reklamo ang mga magulang ay ang tanggapan ng panrehiyong direktor ang magpapataw ng disiplina o parusa sa sangkot na guro habang sa mga non-teaching staff ay ang mga Schools Division Superintendent (SDS).
May mga naparusahan na aniya sa mga nakaraan kaya seryoso ang DepEd sa pagpapatupad sa collection policy.
Nakasaad din sa DepEd order na may pinapayagang boluntaryong kontribusyon ngunit hindi dapat na sapilitan.
Ayon kay si Ginoong Aquino, isang paraan para maiwasan ang mga reklamo ng mga magulang ay dumalo sila kung may meeting sa paaralan ng kanilang mga anak.
Ito aniya ang pagkakataon nila para magtanong kapag tinalakay sa pulong ng paaralan ang mga mahalagang polisiya.
Kung naiintindihan nila ang mga polisiya ay mas maibibigay nila ang kanilang suporta sa paaralan.