--Ads--

CAUAYAN CITY – Sa pakikipagtulungan ng CIDG Nueva Vizcaya ay naaresto sa lalawigan ng Nueva Ecija ang labing walong taong gulang na lalaki na lider umano ng mga sangkot sa motornapping.

Ang pinaghihinalaan na si Bryan Tolentino at residente ng Pilapil, Sison, Pangasinan ay itinuturong lider ng grupong sangkot sa mga motornapping sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Nueva Ecija at Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Rolando Paguon, hepe ng CIDG Regional Field Unit 2, sinabi niya na tinaguriang lider ang pinaghihinalaan dahil sa dami ng mga kinasangkutang pagnanakaw ng motorsiklo sa naturang tatlong lalawigan.  

Nalaman ng CIDG region 2 sa isang Police unit ang pagkawala ng isang motorsiklo sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya na pagmamay-ari ng isang guro na ipinarada sa labas ng kanyang bahay.

--Ads--

Ang naturang motorsiklo ay nakuha sa pag-iingat ng pinaghihinalaan nang siya ay arestuhin.

Ang pinaghihinalaan ang lider ng Tolentino Motornapping Group na may operasyon sa tatlong lalawigan.

Kinakaibigan umano ng pinaghihinalan ang magiging miyembro ng kanyang grupo na pawang mga menor de edad dahil sa hindi sila nasasampahan ng kaso.

Hindi naaresto ang pinaghihinalaan noong mga nakalipas na taon kahit sangkot sa motornapping ngunit ngayon na nasa tamang edad na ay kanila ng inaresto.