--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasahang mababawasan ng 1% hanggang 1.5% ang produksiyon sa wet season dahil sa malaking pinsala sa aning palay ng pagtama ng magkasunod na bagyong  Maymay at Neneng sa ikalawang rehiyon lalo na sa Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) region 2 na hindi pa natapos ang final report sa pinsala ng bagyong Maymay ay muling nakaranas ng mga pagbaha ang maraming bayan sa Cagayan dahil sa bagyong Neneng.

Dahil dito ang  gagawin ng kanilang regional disaster group ay pag-isahin na lang ang report dahil ang tinamaan ng bagyong Maymay ay halos dinaanan din ng bagyong Neneng.

Ang mga pananim na bahagya lamang na nasira noong bagyong Maymay ay posibleng ganap nang napinsala sa pagtama ng bagyong Neneng.

--Ads--

Sa nagdaang bagyo ay may naitala na 10,902 hectares na bahagyang nasira habang ang ganap na nasira ay 344 hectares ng palay.

Ayon kay Ginoong Edillo, tutukan na nila ang pamamahagi ng hybrid at inbred seeds para sa dry season na mag-uumpisa sa Nobyembre hanggang Disyembre 2022.

Naka-preposition na ang  90.59% hybrid seeds sa mga bayan sa Cagayan habang 93% sa Isabela at ang mga LGU ang  magpapasya kung kailan ito  ipapamahagi.

Ayon kay Ginoong Edillo, ang inbred seeds ay pandagdag sa mga hindi makakuha ng hybrid seeds at ito ay manggagagaling sa kanilang seed reserves para sa mga naapektuhan ng pagbaha.

Tuloy din ang pamamahagi ng DA region 2 ng fertilizer voucher at mauumpisahan ito  sa Disyembre  para sa dry season.

May pagasa aniya na makakabawi ang mga magsasaka sa dry season.

Payo ni Ginoong Edillo na ang mga nangitim na palay ay mapapakinabangan pa rin sa pamamagitan ng  pagpapakiskis para maging bigas.

Ipinaalala niya sa mga magsasaka na ipaseguro ang kanilang mga tanim na palay at mais sa Philippine Crop Insurance Company (PCIC) para may makuha silang benepisyo kapag napinsala ng bagyo ang kanilang mga pananim.

Libre ang insurance ng isang ektaryang palay at mais.