CAUAYAN CITY – Nilooban ang bahay ng isang negosyante sa Brgy. Malapat at halos dalawang milyon na halaga ng pera at alahas ang natangay ng mga kawatan.
Ang biktima ay si Imelda Trajano, limampu’t anim na taong gulang, may asawa, negosyante at residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Pmaj. Fernando Mallillin hepe ng Cordon Police Station, sinabi niya na alas tres ng madaling araw ng pumasok ang mga suspek sa compound ng bahay ng biktima.
Gumamit ang mga pinaghihinalaan ng hagdan upang makaakyat sa kongkretong bakod at makapasok sa Bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagbukas sa bintana bago pumasok sa kwarto nito.
Batay sa salaysay ng biktima mag-isa siya sa kanyang bahay dahil nasa kalakhang maynila ang kanyang Asawa.
Natutulog na siya nang may kumatok sa kanyang silid at nagulat na lamang siya ng pumasok ang dalawang lalaki na balot ang mga mukha ng puting damit at may dalang patalim.
Tinutukan siya at iginapos, tinalian ang kanyang mga kamay at paa saka hinalughog ang kanyang kwarto at tinangay ang mga mahalagang bagay.
Natangay ng mga pinaghihinalaan ang pinagbentahan ng biktima sa kanilang negosyo na nagkakahalaga ng 500,000 pesos, iba’t ibang alahas na nasa isang milyong piso ang halaga, isang unit ng Taurus 380 9mm At tatlong Cellphone na nagkakahalaga ng 150,000 pesos.
Personal na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng biktima at tiningnan ang kuha ng mga CCTV camera at ngayon ay mayroon na silang person of interest.
Malakas ang ebidensya laban sa kanilang person of interest dahil batay sa biktima, inside job ang nangyari sa kanya.
Guwardya aniya sa naturang compound ang kanilang person of interest na sa ngayon ay nasa kanila ng kustodiya.
Ang hagdanan na ginamit ng mga kawatan ay galing mismo sa loob ng compound at kuha sa CCTV ang paglabas ng person of interest sa naturang hagdanan at inabot sa mga kasabwat na nasa labas ng bakod ang kanilang mga ninakaw.
Planado ang pag-akyat sa bahay dahil alam nilang mag-isa ang biktima at itinapat ang hagdanan sa bintana ng bahay.
Ayon pa kay Pmaj. Mallillin, may mga connection din ng CCTV cameras ang tinanggal ngunit mayroon paring nahagip ang iba bago nila sinira ang linya nito.
Todo tanggi naman ang pinaghihinalaan at iginiit na wala siyang alam sa naturang pangyayari.
Sa ngayon ay patuloy ang pagsisiyasat ng Cordon Police Station upang matukoy ang dalawa pang suspek na kasabwat ng person of interest at maibalik ang kanilang mga ninakaw.