ABRA – Patuloy ang pagtugis ng mga kasapi ng 24th Infantry Battalion Philippine Army sa mga rebeldeng nanambang na ikinamatay ng dalawang sundalo at ikinasugat ng isa sa Barangay Gacab, Malibcong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Phil. Army na ang apat na sundalo ay galing sa kanilang command post sa Licuan Ba-ay, Abra at pabalik na sa kanilang detachment sa Malibcong upang tumulong sa isasagawang disaster response sa mga naapektuhan ng 6.4 magnitude na lindol na tumama sa probinsya ng Abra noong gabi ng Martes nang sila ay tambangan.
Nasawi ang dalawang sundalo at nasugatan ang isa pa habang nakaligtas naman ang isa pa nilang kasamahan.
Sinabi ni Captain Pamittan na nakakalungkot na ang mga sundalo na naglalayong tumulong sa mga naapektuhan ng lindol ay sinabayan pa ng halos sampong rebelde ng pananambang.
Naniniwala ang mga sundalo na pinagplanuhan ng mga rebelde ang kanilang pananambang.
Nagpapatuloy ang kanilang information gathering upang matugis ang mga rebeldeng nanambang sa apat na sundalo.
Hindi muna nila maipapalabas ang pangalan ng mga biktima dahil kailangan pa nilang ipaalam sa pamilya ng mga sundalo.
Sa ngayon ang Prayuridad ng 5th ID ay ang pagsugpo sa mga guerilla fronts ng mga rebeldeng pangkat sa Abra at sa Kalinga.
Sa kabila ng naganap na pananambang ay tiniyak ng 5th ID na patuloy ang kanilang paghahatid ng serbisyo at pagtulong sa LGU Abra upang matulungan ang mga mamamayan na biktima ng lindol.
Tuloy tuloy din ang deployment para sa Disaster Response ng mga kasapi ng 5th ID sa Abra upang tumulong sa pagsasaayos sa mga nasirang Imprastraktura gayundin ang paghahatid ng mga relief packs sa mga naapektuhan ng lindol.