NAGUILIAN, ISABELA – Isa ang namatay habang dalawang mag-aaral ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa National Highway na bahagi ng Brgy. Magsaysay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Junniel Perez, Acting Chief of Police ng Naguillian Police Station na nasangkot sa aksidente ang isang Nissan Patrol na minaneho ni Raymond Ruel Valle, residente ng Minante II, Cauayan City; at isang pampasaherong Jeep na minaneho ni Rogelio Lutao, apatnaput limang taong gulang at residente ng Songsong, Gamu, Isabela.
Sangkot din sa aksidente ang Toyota Fortuner na minaneho ni Armando Forto, apatnapu’t dalawang taong gulang, at residente ng District 4, Tumauini, Isabela.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na binabagtas ng Nissan Patrol ang direksiyong pahilaga na mayroong hila-hilang improvised trailer sakay ang anim na tupa at isang caretaker nang biglang nakalas ang trailer na tumama sa pampasaherong Jeep na biyaheng Lunsod ng Ilagan at may sakay na dalawang mag-aaral.
Maging ang paparating na Fortuner na minaneho ni Forto ay tumama rin sa napigtas na improvised trailer.
Dahil sa naturang aksidente ay namatay si Jander Allam, dalawampu’t apat na taong gulang, binata at residente ng San Mariano, Isabela.
Dinala rin sa pagamutan ang isang mag-aaral at tsuper ng Jeep na si Lutao na nagtamo ng minor injuries at nasa maayos na silang kalagayan.
Ang tsuper ng Nissan Patrol ay nasa pangangalaga na ng Naguillian Police Station.