CAUAYAN CITY – Daan-daang pamilya ang inilikas sa Cauayan City, sa City of Ilagan at sa iba pang bayan sa Isabela dahil sa pagbaha na dulot ng patuloy na pag-ulan dahil sa bagyong Paeng.
Sa Cauayan City ay mahigit 141 na bahay sa apat na barangay sa Lunsod ang apektado ng pagbaha.
Batay sa talaan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang mga naapektuhan ng pagbaha ay mula sa barangay Alicaocao, Tagaran, Sta. Maria at Pinoma.
Sinimulan na ang pamamahagi ng mga food packs sa mga evacuees.
Sa kasalukuyan ay may mahigit 1,500 ang nakahanda sa Cauayan City, 500 ang hygiene kits at 49 ang family kits.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Irene Barber, residente na lumikas sa barangay Alicaocao, Cauayan City sinabi niya na mabilis ang naging pag-akyat ng tubig sa mga bahay sa kanilang lugar.
Bagamat sanay na silang lumikas ay nahihirapan pa rin sila lalo na’t may mga anak na maliliit at matatanda na rin ang ibang residente.
Pangunahing kailangan ngayon ng mga lumikas na residente ang pagkain, inuming tubig, damit, kandila, flashlight at gatas para sa mga sanggol.
Samantala, sa Minante 2, Cauayan City ay apat na silid aralan ng Minante 2 Elementary School ang pinasok ng tubig-baha dahil sa patuloy na pag-ulan sa Lunsod ng Cauayan.
Sa City of Ilagan ay daan-daang pamilya rin ang inilikas sa mga barangay ng Aggasian, Camonatan, San Vicente at iba pang barangay na nasa mababang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay President Gaylor Malunay sinabi niya na 51 na barangay na nasa low lying areas ang una nang naabisuhan sa posibleng paglikas.
Binabantayan ngayon ang Pinacanauan river na nagsisilbing catch basin ng tubig na mula sa bayan ng San Mariano na nakakaranas din ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Sa Benito Soliven, Isabela naman ay nagtulungan ang mga kasapi ng Benito Soliven Police Station at 5th Infantry Division Philippine Army sa pagsasagawa ng rescue operation sa mga lugar na nanganganib sa pagbaha.
Samantala, dinagdagan ng NIA-MARIIS ang binuksang gate sa Magat Dam sa Ramon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engineer Michael Gileau Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS na dalawang spillway gate ang kanilang binuksan na may taas na 4 meters dahil mas malaki na ang volume ng tubig na pumapasok mula sa mga watershed areas.
Ang water elevation ng Magat Dam hanggang alas singko ng hapon ng October 29, 2022 ay 187.86 meters habang ang inflow ay 2,015 cubic meters per second (cms) at ang outflow ay 455 cms.