CAUAYAN CITY – Nasa spilling level pa rin ang water elevation ng Magat Dam sa Ramon, Isabela kaya patuloy na nagpapalabas ng tubig ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engineer Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS na isang spillway gate na lang ng Magat Dam ang nakabukas at may taas na isang metro.
Ang water elevation ng dam ay 190.58 meters habang ang inflow ay 594.11 cubic meters per second (cms) habang ang outflow ay 594.11cms.
Hinggil sa paninisi muli sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sa naganap na pagbaha sa Isabela at Cagayan, sinabi ni Engineer Dimoloy wala silang magagawa kundi magpalabas noong bagyong Paeng ng malaking volume ng tubig dahil halos lahat ng mga watershed areas ay malakas ang pag-ulan kaya pumasok ang malaking volume ng tubig.
Maaaga naman silang nagbigay ng abiso sa mga Local Government Unit (LGU) kaya nakapagsagawa sila ng evacuation sa mga apektadong residente.
Sinabi ni Engineer Dimoloy na kung mapababa ang water elevation ng dam ay hihilingin nila sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na itigil na nila ang pagpapakawala ng tubig dahil wala nang ulan sa mga watershed areas.