--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) region 2 ng aabot sa 228 na mga nagkakasakit na evacuees sa mga evacuation center sa ikalawang rehiyon matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Merill Hans Bayubay, Medical Officer 4 ng Health Emergency Management unit ng DOH region 2 sinabi niya na mula kahapon ay nasa 228 na may sakit na evacuees ang nanatili sa 13 evacuation center sa rehiyon.

Marami ang nananatili sa mga evacuation center sa Cagayan dahil lubog pa rin sa tubig-baha ang kanilang lugar.

Karamihan sa mga may sakit na evacuees ay naitala sa Cagayan na may ubo at sipon na sumasailalim sa gamutan sa kanilang mga evacuation center.

--Ads--

Sa evacuation center pa lamang sa Tuguegarao City ay may naitalang 70 na nagkakasakit at nasa edad 2 buwan hanggang 86 anyos.

Ayon kay Dr. Bayubay, maaaring nagkahawaan ang mga evacuees sa loob ng evacuation center dahil karaniwang naireport sa kanila ay ang mga pasyenteng may accute respiratory illness at flu na nakukuha sa pamamagitan ng droplets.

Muling nagpaalala si Dr. Bayubay sa mga Local Government Units (LGU’s) na magtalaga ng mga isolation units kung saan pansamantalang manunuluyan ang mga evacuees na nakakaranas ng respiratory illness, flu at iba pang sakit at tiyaking nasusunod ang mga health protocols.

Maliban sa accute respiratory illness ay nakapagtala rin sila ng pananakit ng tiyan, ulo, paa at minor injuries dahil sa pananalasa ng bagyo.

Sa kabila ng naranasang pagbaha ay wala namang naitala ang DOH ng mga kaso ng leptospirosis at dengue ngunit pinapayuhan pa rin ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran pangunahin sa mga lugar na nalubog sa tubig-baha para maiwasan ang mga sakit na ito.