REGION 2 – Nakapagtala na ang Kagawaran ng Kalusugan o DOH Region 2 ng mga nagkakasakit na Evacuees sa mga evacuation center sa Lambak ng Cagayan matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Merill Hans Bayubay, Medical Officer 4 ng Health Emergency Management unit ng DOH Region 2 sinabi niya na mula kahapon ay nasa 228 na may sakit na evacuees ang nanatili sa labintatlong evacuation center sa rehiyon.
Karamihan sa mga may sakit na evacuees sa Cagayan na edad lima pababa ay may ubo at sipon na sumasailalim sa gamutan sa kanilang mga evacuation center.
Aniya maaaring nagkahawaan ang mga evacuees sa loob ng evacuation center dahil karaniwang nauulat sa kanila ay ang mga pasyenteng may acute resperatory illness at flu na nakuha sa pamamagitan ng drop lets.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa mga local government units na magtala ng isolation units kung saan maaaring mag-isolate ang mga evacuaees na nakakaranas na ng sintomas ng respiratory Illness, flu at iba pang sakit, gayundin na tiyaking nasusunod ang health protocols.
Maliban sa Acute Resperatory Illness ay nakapagtala rin sila ng pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo, pananakit ng paa at minor injuries dahil sa pananalasa ng bagyo.
Sa kabila ng naranasang pagbaha ay wala namang naitalang kaso ng Leptospirosis at Dengue ang DOH gayunman pinapayuhan parin ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran pangunahin sa mga lugar na nalubog sa tubig baha.