--Ads--

CAUAYAN CITY – Magpapadala ang central office ng Department of Agriculture (DA) ng investigation team  matapos iparating ng DA region 2 ang reklamo  ng mga magsasaka  na nakabili  ng mga tampered na binhi  sa mga agricultural supply.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na nagsagawa na sila ng  dokumentasyon sa reklamo ng mga magsasaka at ipinasa sa DA Central Office.

Hiniling na rin nila ang tulong sa mga Local Government Units (LGU’s) pangunahin na sa kanilang mga City at Municipal Agriculture Offices  na i-report sa kanilang tanggapan kung may mga reklamo ang mga magsasakang nakabili ng mga tampered stamp na binhi.

Sumulat na rin ang DA region 2 at binigyan na rin ng kopya ng reklamo ang  hilippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng pagsisiyasat sa pagbebenta ng mga binhing may stamp  na ‘not for sale’ na may logo ng  DA.

--Ads--

Sinabi ni Regional Executive Director Edillo na may identical packaging ng mga binhi ang bawat region ..

Dito sa region 2 ay 15 kilograms per pack habang sa region 3 ay 5 kilograms per pack  habang sa region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR) ay  1  kilogram at 3 kilograms per pack.

Sa nakita aniyang tampered packing na nabili ng mga magsasaka sa Isabela ay 5 kilograms na galing sa region 3.

Ipinabatid na nila sa DA region 3  ang mga inirereklamong binhi na nabili ng mga magsasaka sa Isabela at  inamin   na binhi nila.

Sinabi ni Ginoong Edillo na ipinasa na nila sa kanilang punong tanggapan ang kinalabasan ng kanilang pagsisiyasat  at magpapadala sila ng investigation team na magsisiyasat sa reklamo ng mga magsasaka.

Payo niya sa mga magsasaka na huwag tangkilikin ang mga binhing may tampered stamp dahil mababa ang germination  nito at  old stock na.

Hindi maganda ang tubo ng mga binhi dahil mababa na ang germination  at tiyak  na malulugi ang mga magsasakang nakabili .

Pinayuhan niya ang mga magsasaka na isauli ang mga nabiling binhi na may tampered stamp sa mga pinagbilhang agricultural supply.