CAUAYAN CITY, ISABELA – Darating mamayang gabi sa kanilang bahay sa Purok Sadiri, San Fernando, Alicia, Isabela ang bangkay ng SWAT member na si PCpl Fhrank Aldene Dela Cruz na nasawi sa San Pablo City, Laguna matapos aksidente umanong mabaril ng kanyang kasamang pulis na naglilinis ng kanilang baril.
Batay sa imbestigasyon, naglilinis ng kanilang service firearms ang biktima at ang suspek na si PCpl. George Mervin Duran, residente ng Maahas, Los Banos, Laguna at iba pa nilang kasama bilang paghahanda sa isasagawang inspeksyon sa San Pablo Laguna Police Station nang mapansin umano ng kasama nilang si Pat. Alvarez na nagkapalitan sila ng baril kaya nilapitan niya si Duran.
Agad tiningnan ni Duran ang kanyang baril at tinanggal ang magazine at nang lilinisin na nito ang chamber ng kanyang 9mm na baril ay aksidente itong pumutok dahilan para tamaan sa dibdib si PCpl Dela Cruz.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang nagdadalamhating pamilya ni PCpl dela Cruz ngunit sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Romeo Ramirez ng San Fernando, Alicia, Isabela, sinabi niya na sa last night ng burol ni PCpl dela Cruz ay magkakaroon sila ng programa para sa kanya.
Inilarawan ni barangay kapitan Ramirez si PCpl Dela Cruz na mabait, masayahin at pambato ng kanilang barangay sa basketball.
Samantala, inihayag ni Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia, Isabela na nabigla sila sa pagkamatay ni PCpl dela Cruz dahil umano sa accidental firing.
Makikipag-ugnayan siya sa pamilya ni dela Cruz para alamin ang kanilang plano at susuportahan niya kung hihilingin nila na magkaroon ng mas malalalimang imbestigasyon para malaman ang totoong pangyayari.