CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kalagayan ang tatlong tao matapos na magbangaan ang dalawang motorsiklo sa barangay Mambabanga, Luna, Isabela.
Ang driver ng Yamaha Mio ay si Rowel Taguba, 37 anyos, magsasaka at residente ng Del Corpuz, Cabatuan, Isabela habang minamaneho ni Alvin Alejandro, 30 anyos at residente ng Mambabanga, Luna, Isabela ang isang Yamaha Aerox.
Malubha rin ang lagay ng angkas ni Taguba na si Robert Remeo, 40 anyos, magsasaka at residente rin ng Del Corpuz, Cabatuan, Isabela.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa Luna Police Station, galing sa Cauayan City at papuntang Cabatuan, Isabela ang motorsiklong minamaneho ni Taguba ngunit nang makarating ito sa national highway na bahagi ng Mambabanga, Luna, Isabela ay biglang sumulpot ang motorsiklong minamaneho ni Alejandro na dahilan ng salpukan ng dalawang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, hindi nag-menor si Alejandro kaya’t hindi na nakaiwas si Taguba.
Kahit nakasuot ng helmet ay nagtamo pa rin ng malalang sugat sa ulo ang dalawang driver at ang angkas ni Taguba na si Remeo.
Ayon sa Luna Police Station, nasa Intensive Care Unit (ICU) si Remeo habang nagtamo naman ng fracture ang dalawang driver na kasalukuyang inoobserbahan ng mga doktor.
Posibleng maharap si Alejandro sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Serious Physical Injury.