CAUAYAN CITY – Isasagawa sa mga itinalagang vaccination sites sa ikalawang rehiyon ang muling paglulunsad ng PinasLakas Bakunahang Bayan Part 2 sa December 5-7, 2022 na isasagawa sa buong bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Marwin Bello, asst regional director ng Department of Health (DOH) region 2 na isasagawa ang PinasLakas Bakunahang Bayan part 2 sa mga matataong lugar tulad ng mga malls sa Cauayan City, Tuguegarao City at iba pang lugar sa ikalawang rehiyon.
Nilinaw ni Dr. Bello na isasagawa rin ang bakunahan sa iba’t ibang bayan sa rehiyon.
Target nilang mabakunahan ng unang booster shot kontra COVID-19 ang 18% ng target population dahil 32% pa lang ang nabakunahan mula sa puntiryang 50% hanggang katapusan ng Disyembre.
Umabot na sa 96% ng mga senior citizen ang nabakunahan ng primary doses.
Ang mga bata naman na nasa 5 hanggang 11 anyos ay 50% na ang nabakunahan.
Sa buong bansa ay ang ikalawang rehiyon ang may pinakamaraming nabakunahan sa 5 hanggang 11 at mga senior citizens.
Ayon kay Dr. Bello, ang pinalawak nilang information campaign sa broadcast media ay bahagi ng kanilang adbokasya na mahimok ang mga mamamayan na magpabakuna kontra COVID-19.
Bukod pa ito sa face-to-face communication na isinasagawa ng mga health workers para mahimok ang mga tao na magpabakuna.
Noong una aniya ay marami ang ayaw na magpabakuna dahil takot sila sa komplikasyon na maaaring dulot nito tulad ng nangyari noon sa mga bata na tinurukan ng dengvaxia vaccine kontra sa dengue.
Ayon kay Dr. Bello, ang mga batang nasawi ay hindi dahil sa dengvaxia vaccine kundi sanhi ng iba nilang sakit.
Pinawi ni Dr. Bello ang takot ng mga mamamayan na pagpapaturok ng bakuna dahil maliit lang ang karayom at hindi maramdaman kapag itinurok na.
Sinabi pa ni Dr. Bello na tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa mga Rural Health Unit (RHU) sa bawat bayan at lunsod.
Sa Bayan Bakunahan Part 2 ay may mga vaccination sites tulad ng mga mall, paradahan ng mga sasakyan at mayroon ding magbahay-bahay na vaccination team para mabakunahan ang mga hindi na makalakad o bedridden.
Sinabi pa ni Dr. Bello na ang malaking bahagi ng mahigit isang milyong doses ng bakuna sa ikalawang rehiyon ay maaaring masayang kung patuloy na magmamatigas na magpabakuna ang mga mamamayan.
Noong una aniya ay may kakulangan ng supply ngunit ngayon ay sobra-sobra na ang tustos ng bakuna.
Sa ikalawang rehiyon ay mayroon nang 2,800,00 na nabakunahan ng unang dose habang ang mga fully vaccinated ay 2, 626, 000.
Sa unang booster dose ay 846,000 o 32% pa lamang ag nagpaturok habang sa ikalawang booster ay 130,000 o 4.9% pa lamang.
Ang rason ng mga mamamayan kaya ayaw na nilang magpa-booster shot ay dahil wala nang nagkakasakit sa kanilang lugar ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Bello, patuloy ang banta ng COVID-19 at sa katunayan ay mayroong 396 na aktibong kaso sa ikalawang rehiyon.
Marami ang dumaranas ng sipon at ubo at kung sasailalim sila sa mass testing ay maaaring COVID-19 ang kanilang sakit.