--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ni Philreca Partylist Representative Presley de Jesus, board president ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 na nabigla siya maging ng  buong  kooperatiba at iba pang electric cooperative sa bansa sa pagtalaga ng National Electrification Administration (NEA) kay Atty. Karen Abuan bilang acting general manager.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Congressman de Jesus na dapat ay sinabihan sila bago itinalaga ang bagong general manager.

Iginiit ni De jesus na walang problema at katiwalian sa ISELCO 1 kundi ginarawan pa ito ng mga parangal na patunay na mahusay ang operasyon nito.

Nagpadala rin sila sa NEA ng board resolution ng ISELCO 1 para maitalaga si Atty. Catherine Rosete na hindi na lang Officer-in-Charge (OIC) kundi general manager na ng kooperatiba dahil sa mahusay pagganap sa kanyang tungkulin sa nakalipas na 11 na buwan.

--Ads--

Binalewala aniya ang due process na dinggin ang kanilang panig.

Iginiit ni Congressman de Jesus na ang pag-upo ni Atty. Abuan bilang acting general manager na walang kumpirmasyon ng mga board of director ay illegal dahil malinaw itong panuntunan sa isang kooperatiba.

Pinuna ni Jesus ang NEA dahil sa hindi pagsunod sa due process at hindi pagsusuri sa background ni Atty. Abuan na naghain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Annual General Membership Assembly (AGMA) ng ISELCO 1 noong 2016 at noong Hunyo 2022  at   lumabas pa sa court resolution na mayroon silang mga hinaing laban sa kooperatiba.

Nagsampa aniya ng kontra demanda ang ISELCO 1 laban kay Abuan ngunit bakit siya itinalaga na acting general manager.

Ayon kay Congressman de Jesus, kumunsulta na sila sa mga abogado at mga electric cooperative para sa gagawin nilang hakbang.

Binigyang diin ni De jesus na nais nilang maipasakamay ang pamumuno sa ISELCO 1 sa tamang tao at walang personal na interes.

Magsasampa sila ng kaso laban sa NEA depende sa magiging desisyon nito sa kanilang board resolution.

Ganito ang bahagi ng pahayag ni Philreca Partylist Representative Presley De Jesus.

Samantala, iginiit ni Atty. Karen Abuan na hindi kailangan ang kumpirmasyon ng board of director sa kanyang appointment dahil siya ay itinalaga ng NEA.

Tugon ito ni atty. Abuan sa board  resolution  na tinatanggihan ang kanyang appointment.

Naka-address aniya ang resolusyon sa NEA at magpapalabas pa lamang ng desisyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Abuan na sa kanyang panig ay walang batayan ang pagtanggi sa kanyang appointment.

Nilinaw ni Atty. Abuan na anim na buwan lamang ang kanyang appointment para  matugunan ang aniya ay ‘disturbing’ audit report at  mga showcause order ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Aniya, iginigiit na  walang nangyayaring katiwalian sa ISELCO 1 batay sa kanilang record  na malinis at transparent kaya dapat walang problema kundi tanggapin siya dahil acting lang naman siya sa loob ng anim na buwan.

Kung matapos ang anim na buwan at mapatunayan na walang  anomalya ay babawiin na ang kanyang appointment o puwede ring palawigin ng hanggang dalawang taon kung hindi kakayaning matugunan ang mga isyu at concerns.

Sinabi pa ni Atty. Abuan na kung makipagtulungan sila sa pag-imbestiga niya sa mga isyu ay maaaring makaalis na siya sa loob ng dalawang buwan dahil sinasabi nila na wala silang itinatago at malinis ang kanilang operasyon na  taliwas sa audit report na kailangan niya alamin at linisin.

Kailangan aniyang sundin ang order ng NEA dahil ito ang nagtalaga sa kanya at walang guidelines o batas na nagsasaad na mayroon silang karapatan na tanggapin o tanggihan ang kanyang appointment.

Tungkol sa CCTV sa kanyang opisina na kanyang ipina-disconnect sinabi ni Atty. abuan na may malaking monitor ng CCTV sa kanyang tanggapan.

Namomonitor ang kanyang galaw sa mga tanggapan sa loob ng ISELCO at  mga branches nito ngunit hindi masabi sa kanya kung sino ang nanonood o nakakakita sa kanya sa kanyang opisina.

Dahil dito ay ipina-check niya sa Philippine National Police (PNP) at sinabi sa kanya na siya ay napapanood at napapakinggan kaya ipinatanggal niya  ang connection ng CCTV sa kanyang opisina dahil paglabag ito sa kanyang privacy at para rin sa kanyang seguridad.

Payag siyang may CCTV sa kanyang opisina ngunit dapat alam niya kung sino ang mga nanonood at nakikinig sa kanya.

Samantala, inamin ni Atty. Abuan na may mga pulitiko na sumuporta sa pagkakatalaga niya bilang acting manager ng ISELCO 1 dahil alam nilang may anomalya at member-consumer din sila.

Kailangan nilang pakinggan at matugunan  ang hinaing ng kanilang mga constituents.

Kabilang dito ang reklamo ng mga member-consumer hinggil sa binabayarang service charge at mataas na singil sa koryente.

Iginiit niya na hindi nakikialam ang mga pulitiko sa pamamalakad at policy-making sa ISELCO 1.

Pasaring pa niya na dapat tingnan ang pulitiko na nasa loob ng ISELCO 1 na puwedeng nakikialam sa operasyon ng kooperatiba.

Ang bahagi ng pahayag ni Atty. Karen Abuan.