
CAUAYAN CITY – Pinanindigan ng National Electrification Administration (NEA) ang pagtalaga kay Atty. Karen Abuan bilang Acting General Manager o AGM ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 sa pamamagitan ng pagbasura sa resolusyon ng Board of Directors na hindi tinatanggap ang appointment ni Abuan.
Sa naging ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Abuan, sinabi niya na natanggap na niya ang desisyon ng NEA sa board resolution at nagpalabas na rin siya ng memorandum sa mga pinuno at kawani ng ISELCO 1 na hindi sinang-ayunan ang Board resolution hinggil sa hindi pagkilala sa kanya bilang acting General Manager.
Igiiit aniya ng NEA na walang nalabag na proseso sa pagtalaga sa kanya bilang AGM at kay Atty. Oswaldo Gabat bilang Project Supervisor.
Ayon kay Atty. Abuan, malinaw na nakasaad sa desisyon ng NEA na ang kanyang appointment ay hindi puwedeng baguhin ng anumang polisiya o resolusyon ng Board of Director ng electric cooperative.
Ito ay kaugnay ng pahayag ni Board president Presley de Jesus na hanggat hindi nila kinukumpirma ang kanyang pagkakatalaga ay wala itong epekto o bisa.
Hinamon ni Abuan ang board of directors na magpakita ng batas, guidelines o memorandum na nagsasaad na bago magkaroon ng bisa ang office order ng NEA ay kailangan nilang kumpirmahin.
Wala silang nabanggit sa kanilang resolusyon na batas kundi ang binanggit ay ang dapat kuwalipikasyon ng isang general manager.
Nilinaw ni Atty. Abuan na hindi siya hinirang na General Manager (GM) kundi acting general manager lamang sa loon ng anim na buwan.
Iginiit niya na may dalawang beses siyang pagdalo sa sa Annual General Membership Assembly at
sasagutin niya sa korte ang paratang na ito.
Iginiit pa niya na dapat dalhin ng Board of Directors sa Court of Appeals (CA) ang pagtutol nila sa kanyang appointment at qualification at hindi sa pamamagitan ng board resolution.
Ang CA aniya ang may hurisdiksiyon na magpasya kung valid o hindi ang kanyang appointment…Sinabi pa ni Atty. Abuan na ipinasakamay sa kanila ang audit report, management justification at action plan ng ISELCO 1 na may petsang October 10, 2022.
Ito ay tungkol sa evaluation sa pinakahuling NEA financial at management audit para sa period na August 1, 2016 hanggang September 30, 2021.
Ayon kay Atty. Abuan, lumabas na ang justification at action plan ng ISELCO 1 ay hindi natugunan ng audit findings at recommendation.
Lumabas din sa evaluation na bigo ang board at pamunuan ng ISELCO 1 na maghain ng action plan para ipatupad ang rekomendasyon at nabigo ring bigyang katwiran ang mga audit observation.
Ito ang dahilan aniya kung bakit siya naitalaga bilang acting general manager para imbestigahan ang hindi nila nabigyang-katwiran na audit findings sa ISELCO 1.
Binigyang-diin pa ni Atty. Abuan na kung gustong patunayan ni Board President Presley de Jesus na walang nawawalang pera ang kooperatiba ay dapat siyang tanggapin para sa isasagawa niyang imbestigasyon at anim na buwan lang naman ang kanyang appointment.
Sinabi pa ni Atty. Abuan na illegal at invalid ang resolusyon dahil ang board ay hindi dapat nakikialam sa arawang operasyon ng pamunuan ng ISELCO 1 ngunit naging practice na sa ISELCO 1 ang pakikialam ng board at sila ang nasusunod…
Nakakatakot aniya ito dahil kayang-kaya nilang diktahan ang management at dito maaaring maganap ang corruption.




