CAUAYAN CITY – Umabot na sa San Mariano, Isabela ang paghahanap sa halos anim na buwan nang nawawalang isang kasapi ng Cabatuan Police Station na si PSMSgt. Antonino Agonoy na residente ng San Mateo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, mayroon umanong nagbigay ng impormasyon sa ina ng pulis na si Ginang Delia Agonoy na ang bangkay ng anak ay inilibing sa lupang pagmamay-ari ng umanoy pinaghihinalaan sa Zamora, San Mariano, Isabela.
Nagtungo ang inspection team na binubuo ng mga kasapi ng PNP Cabatuan, NBI, CIDG Region 2, CHR Region 2, IPPO at PNP San Mariano sa naturang Barangay.
May ipinakita sa mga otoridad ang kapatid ng biktima na mga kuhang larawan ng limang ektaryang lupain ng umanoy pinaghihinalaan kaya nagpasya ang mga otoridad at mga kawani ng Assessors Office ng San Mariano na magtungo sa nabanggit na lupain.
Naglakad ng isang oras ang inspection team kasama si Barangay Kapitan Marcelo Gasmin ng Barangay Zamora at Bombo Radyo Cauayan patungo sa lugar na umanoy pinaglibingan sa nawawalang pulis.
Maluwang at matarik ang lupain kung saan sinasabing pinaglibingan sa pulis at may mga nakatanim na mga tubo, mais at kamoteng kahoy.
Naiyak naman si Ginang Agonoy nang makita ang malaking puno ng acacia sa lugar na katulad umano ng kanyang nakikita kapag napapanaginipan ang anak.
Nagsagawa ng pagsusuri ang inspection team ngunit negatibo ang kinalabasan at dahil gabi na ay napagpasyahan nang umuwi nang grupo.
Hihingi sila ng tulong sa treasury office upang malaman kung sino ang may-ari at nagbabayad ng buwis sa naturang lupa.
Hihingi rin ang abogado ng pamilya Agonoy sa hukuman na mabigyan pa sila ng sapat na panahon para magsagawa ng inspection sa nabanggit na lupain.
Nangako naman ang Legal Officer ng IPPO na si PMaj. Atty. Marvin Pascua na agad ipapasa ang ulat upang makapagpasya agad ang hukuman sa naturang kaso.
Samantala, naging emosyonal si Ginang Delia Agonoy, ina ni PSMSgt. Agonoy nang makita ang dating safehouse na pinaniniwalaang huling pinuntahan ng kanyang anak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Agonoy na hindi niya mapigilan ang kanyang pagtangis at lumuhod pa upang buksan lamang ang nasabing dating safehouse ng mga pulis.
Nang buksan ang dating safehouse ay mayroon nang bagong nakatira dahil ito ay isang bahay paupahan.
Inupahan noon ng mga kasapi ng pulisya ngunit mayroon nang ibang nangungupahan.
Ang pagtungo ng mga pulis sa naturang lugar ay para magsagawa ng inspeksyon kung saan doon huling nakita si PSMSgt. Agonoy.
Kasama ng mga pulis na nagtungo sa dating safehouse ang mga kinatawan ng NBI, CIDG Region 2, CHR region 2, LGU Cabatuan at mga opisyal ng barangay.
Magugunitang noong June 2, 2022 ay nagtungo pa si PSMSgt. Agonoy sa Police Regional Office (PRO) 2 at kinabukasan ay ipinatawag siya ng kanilang hepe.
Mula sa nasabing araw ay hindi na siya nakauwi at hindi na matawagan ang kanyang cellphone.
Noong June 6, 2022 ay natagpuan ang kanyang motorsiklo malapit sa Cauayan City Sports Complex.