CAUAYAN CITY– Tinulungan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang isang babaeng pina-blacklist ng nasabing tanggapan kayat hindi nakakauwi sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni MECO Chairman Silvestre Bello III na sa loob ng limang buwan niyang panunungkulan sa kanyang tanggapan sa Taiwan ay wala pang lumalapit kanyang mga Overseas Filipino Worker na nagrereklamo tungkol sa kanilang trabaho maliban sa isang babaeng may edad na narinig niyang nagsisigaw dahil hindi pinapapasok matapos sabihing gusto niyang makita ang bagong talagang MECO Chairman.
Inutusan anya niya ang kanyang mga kawani na papasukin ang nasabing babae at kinausap sa kanyang tanggapan at inalam ang kanyang reklamo.
Inirereklamo anya ng naturang babae ang mga dating nakaupo sa MECO na inilagay siya sa blacklist kayat hindi makauwi sa Pilipinas.
Ayon sa babae, inireklamo niya ang trabaho ng mga dating opisyal ng MECO kaya inilagay siya sa blacklist na hindi makatarungan, ayon kay MECO Chairman Bello.
Dahil dito pinatanggal ni Bello sa Immigration sa blacklist ang pangalan ng nasabing babae kayat nakauwi at nakapagdiwang ng Pasko sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Bello na humihingi ng tulong ang babae sa mga nakaraang opisyal ng MECO sa Taiwan kaugnay sa problema nito sa kanyang trabaho ngunit hindi siya tinulungan kayat inireklamo niya sa ibang ahensiya ng pamahalaan.
Nagalit anya ang mga dating opisyal ng MECO at pina-blacklist ang naturang babae.