CAUAYAN CITY – Nais ng mga Overseas Filipno Workers o OFW’s sa China na idulog kay Pangulong Bongbong Marcos ang mabagal na pagbibigay sa kanila ng welfare assistance lalo na noong kasagsagan ng lockdown dahil sa pagtaas ng COVID-19.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Rodalyn Alejandro ng China na kailangan pa nilang magtungo sa embahada ng Pilipinas sa Beijing para makuha ang nasabing ayuda.
Ang hiling nila noon ay ipadala na lang sa kanilang pamilya o sa pamamagitan ng GCASH o WeChat ngunit hindi tinugunan.
Nais din nilang hilingin kay Pangulong Marcos na tulungang makauwi ang maraming undocumented Pilipino sa China at ilan ay nakakulong.
Samantala, naging maigting ang paghahanda ng pamahalaang China sa pagdalaw doon ni Pangulong Marcos sa gitna ng mataas na kaso ng COVID-19 para maging ligtas ang pangulo at kanyang delegasyon.