ISABELA – Hindi madaanan ang ilang tulay sa lalawigan dahil sa patuloy na pag-ulang dulot ng Amihan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Conag, Information Officer ng OCD Region 2, sinabi niya na hindi madaanan ang Baculud Overflow Bridge sa Lunsod ng Ilagan, Cansan Bagutari sa Bayan ng Sto. Tomas, Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge at Turod Banquero Bridge sa Reina Mercedes dahil sa ongoing restoration.
Hindi pa rin madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge dito sa Cauayan City.
Dahil hindi madaanan ang nasabing mga tulay ay pinaalalahanan niya ang mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternate routes.
Batay sa monitoring ng OCD Region 2 passable ang lahat ng mga pangunahing kalsada sa rehiyon at wala ring naitalang paglikas ng mga residente dahil sa baha.
Sa lalawigan ng Cagayan ay umapaw ang lebel ng tubig sa Pinacanauan overflow bridge sa lunsod ng Tuguegarao kaya pansamantala rin itong hindi madaanan ngunit makalipas ang ilang oras ay bumaba rin ang lebel ng tubig sa ilog.
Ayon kay Ginoong Conag hindi na kalakasan ang ulan sa Cagayan kahapon kaya wala nang naitalang pag-apaw ng ilog.