ROMA, ITALIA – Sa kauna-unahang pagkakataon, pangungunahan ng Santo Papa ang funeral mass ng isang dating Santo Papa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma, sinabi niya na idaraos ngayong araw ang funeral mass para kay Pope Emeritus Benedict na pangungunahan ng humalili sa kanyang si Pope Francis.
Tatawagin pa ring Papal Funeral ito bagamat may mga binago tulad sa mga pagbasa dahil hindi na reigning pontiff ang Santo Papa.
Nasa St. Peter’s Basilica ang mga labi ng yumaong pope emeritus para sa public viewing na tumagal nang higit sampung oras.
Noong lunes ay tinatayang nasa apatnapung libo ang pumila para masilayan ang labi ni Pope Emeritus Benedict XVI sa St. Peter’s Basilica.
Kabilang din ang mga Pinoy sa mga pumunta sa public viewing.
Bumisita na rin at nagbigay-parangal sa pumanaw na dating Santo Papa sina Italian Pres. Sergio Mattarella at Prime Minister Giorgia Meloni.
Ililibing ang labi ni Pope Emeritus Benedict sa Grotto ng St. Peter’s Basilica kung saan nakalibing din ang iba pang mga Santo Papa.