CAUAYAN CITY– Tiwala si PCol. Julio Go, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na malilinis siya sa 5-man evaluation committee kaugnay ng isinumite nilang courtesy resignation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Go na bilang isang opisyal na na kasama sa 3rd level officers ay naghain siya ng courtesy resignation bilang tugon sa naging panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos na naghain ng courtesy resignation ang lahat ng mga police colonel at general.
Sinabi aniya ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na hindi sila dapat mangamba na maghain ng courtesy resignation kung alam nila sa kanilang sarili na hindi sila sangkot sa illegal na droga.
Ayon kay PCol Go, sinabi ng kanilang PNP Chief na status quo sila sa kanilang posisyon anuman ang kanilang desisyon maliban kung tatanggapin ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanilang courtesy resignation.
Dadaan ito aniya sa evaluation ng 5-man committee para malaman kung sangkot o hindi ang isang opisyal na naghain ng courtesy resignation.
Binigyang-diin ni PCol Go na kilala niya ang kanyang sarili at hindi siya sangkot sa illegal na droga.
Hindi aniya utos kundi apela ang hakbang ni Kalihim Abalos at boluntaryo lamang ito kaya pinag-isipan nilang mabuti ang kanilang hakbang.
Sinabi pa ni PCol Go na bilang miyembro ng PNP Organization ay kailangan niyang ipakita sa taumbayan na hindi siya kasama sa iilan na sangkot sa illegal na droga.
Naniniwala siya na sa mahigit 900 na police colonel at general ay iilan lang ang sangkot sa illegal na droga.
Hindi na aniya makakaabot sa tanggapan ng Pangulo ang courtesy resignation kung malilinis na ang kanilang pangalan sa 5-man evaluation committee.