--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang driver ng bagong ambulansiya na binili ng Department of Health (DOH) region 2 matapos na salpukin kaninang umaga ang likurang bahagi ng isang elf truck na may kargang mahigit 100 na sako ng feeds sa Salvacion, Alicia, Isabela.

Mabilis umano ang takbo ng ambulansiya kasama ang dalawang iba pa na hindi na napansin ang nangyaring aksidente dahil dumiretso lang sila sa kanilang pupuntahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Louie Jay Felipe, deputy chief of police ng Alicia Police Station, sinabi niya na ang nasawing tsuper ng ambulansiya ay si Jurezz Mark Perpetua, 30 anyos at residente ng Bagong Silang, Caloocan, City.

Ang nabangga na elf truck ay minamaneho ni Jose Cabauatan Jr., 30 anyos at residente ng Babaran, Echague, Isabela na nasugatan kasama ang kanyang pahinante.

--Ads--

Nawasak ang harapang bahagi at naputol ang manibela ng ambulansiyang minamaneho ni Perpetua habang dumiretso ang elf truck sa palayan 15 na metro ang layo mula sa daan.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan at nabali ang paa ni Perpetua na dinala sa isang pribadong ospital sa Alicia, Isabela ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Ayon sa nakakita sa aksidente na si Danilo Castro, magsasaka at residente Salvacion, Alicia Isabela, naglalagay siya ng abono sa kanyang palayan kaninang umaga nang makita niya ang mabilis na takbo ng tatlong ambulansiya.

Dahil sa bilis ng takbo ng dalawa pang ambulansiya ay hindi na nila napansin na sumalpok sa el truck ang ambulansiya na minaneho ni Perpetua.