--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang partidor matapos na saksakin ng kanyang pamangkin na isa ring partidor sa pamilihan bayan ng San Mariano, Isabela.

Ang biktima ay si Romeo Cabildo, 42 anyos at residente ng Zone 2, San Mariano, Isabela habang ang suspek ay ang pamangkin na si Lito Cabildo, 30 anyos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, sinabi niya na una siyang tinaga ng kanyang tiyuhin sa kanyang kaliwang pisngi.

Tumakbo pa siya matapos siyang mataga subalit sinundan siya nito at tinaga ulit.

--Ads--

Dahil dito ay gumanti na siya at sinaksak ng tatlong beses ang tiyuhin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Johny Angoluan, nagtitinda ng karne at officer ng meat section ng pamilihan ng bayan ng San Mariano, sinabi niya na nakita nilang nagtatalo ang magtiyuhin dahil sa paghihintay ng biktima sa idedeliver ng pamangkin na nakatay na baboy na kanilang ititinda.

Natagalan umanong ideliver ang nakatay na baboy na mula sa slaughter house dahil hindi pa ito tapos at nasiraan din ng motorsiklo sa daan ang pinaghihinalaan.

Nakita nila na sa pangatlong saksak ay tinamaan si Cabildo sa kanyang tagiliran.

Dinala  siya sa San Mariano Medicare Hospital at sinikap na iligtas ng mga doktor at nurse ngunit binawian din ng buhay.

Nagulat naman ang pamilya ng biktima at suspek dahil maayos ang samahan ng kanilang pamilya at matagal na rin silang nagtitinda sa pamilihang bayan ng San Mariano, Isabela ngunit dahil sa init ng ulo ay napatay ang biktima.