CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang babaeng barangay tanod sa San Manuel, Isabela matapos isilbi ang mandamiento de aresto sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law na isinampa laban sa kanya.
Sinampahan ng kaso ang barangay tanod dahil umano sa paratang na pambubully at pangungutya sa isang 11 anyos na batang babae na nasa grade 6 na nagkaroon ng trauma at pansamantalang tumigil sa pag-aaral.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Resty Derupe, deputy chief of police ng San Manuel Police Station na ang akusado ay isang 32 anyos na barangay tanod.
Nangyari ang kanyang pambubully sa bata noon pang ang Setyembre 22, 2022 sa sari-sari store na malapit bahay ng barangay tanod.
Bibili umano ang bata sa tindahan nang kutyain ng suspek sa pagsasabing pangit siya at babalu dahil mahaba ang kanyang baba. Nagsumbong ang bata sa principal ng kanilang paaralan sa pagkutya sa kanya ngunit itinanggi ng akusado.
Pansamantalang tumigil sa pag-aaral ang bata ngunit nahimok siya ng mga magulang at guro na bumalik sa pag-aaral.
Dahil nagkaroon ng trauma ang bata sa palaging pangungutya sa kanya ng barangay tanod ay sinampahan siya ng kaso ng kanyang mga magulang.
Ayon kay PCpt Derupe, isinilbi na ang mandamiento de aresto laban sa akusado at pansamantalang makakalaya kapag naglagak ng piyansa.
Ang pahayag ni PCpt Resty Derupe.