CAUAYAN CITY – Negatibo ang resulta ng isinagawang ground search ng ipinadalang 5-man team ng Divilacan at Maconacon, Isabela para sa paghahanap sa lugar na maaaring kinaroroonan ng nawawalang Cessna Plane na may anim na sakay kabilang ang piloto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Ezikiel Chavez sinabi niya matapos ang ilang araw na paggalugad sa kagubatan ay umuwi na ang dalawang rescue team matapos bigong makakita ng indikasyon sa posibleng kinaroroonan ng nawawalang Cessna plane dahil sa masukal ang kagubatan at mahamog dahil sa naranasang pag-uulan sa lugar.
Umabot sa 30 kilometro ang nilakad ng rescue team ngunit walang nakitang debris sa bahagi ng kabundukan habang hindi pa nakukumpirma ang nakitang puting bagay sa bahagi ng barangay Dicaruyan, Divilacan, Isabela dahil sa makapal na ulap.
Mahirap ang pinagdaanan ng mga rescue team dahil tumawid sila sa mga ilog at dumaan sa masukal na kagubatan.
Samantala, nilinaw ni Ginoong Bong Meneses, miyembro ng Philippine Aeronautical Coordination Center ng Civil Aviation Authority of the Philippine (CAAP) na wala silang natanggap na stress alert mula sa Cessna plane 206 nang mawala ang eroplano noong January 24, 2023.
Aniya, may Emergency Locator Transmitor ang Cessna 206 na dapat sana ay mag-aactivate kapag bumagsak ang eroplano.
Ang emergency Locator Transmitor ay nasasagap ng HongKong mission center subalit batay sa ginawang review ay walang nasagap na signal o frequency mula sa naturang eroplano.