--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng Incident Management Team (IMT) sa pamilya ng mga batang sakay ng nawawalang eroplano.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Anna May Kamatoy na ang kanyang kapatid na nasa Maconaon, Isabela ay kinontak ni Atty. Constante Foronda, pinuno ng IMT at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO)  at sinabing ginagawa nila ang lahat at hindi sila titigil hanggat di natatagpuan ang nawawalang eroplano.

Si Ginang Anna May Kamatoy ng Silang, Cavite ang ina ng dalawang batang sakay ng Cessna plane. Kapatid at pamangkin niya ang dalawang iba pa.

Sila ay bumiyahe patungong Maconacon, Isabela noong January 24, 2023 para makiramay  sa namatay na biyenan ng kanyang kapatid na babae na nakapag-asawa ng taga-Maconacon, Isabela.

--Ads--

Ang panganay na anak ng kanyang kapatid ay isa sa mga sakay ng nawawalang eropano.

Ayon kay Ginang Kamatoy, ipinaliwanag ni Atty. Foronda sa kanyang kapatid kung bakit natatagalan ang search and rescue operation dahil sa  mga pag-ulan.

Napakahirap aniya ang kanyang kalagayan sa paghihintay sa resulta ng paghahahanap sa nawawalang eroplano.

Hindi siya nakakatulog  dahil sa labis na pag-aalala sa kalagayan ng mga anak at mga kaanak na sakay ng eroplano.  

Umaasa  si Ginang Kamatoy na buhay pa rin ang mga anak at iba pang sakay ng eroplano.