CAUAYAN CITY -Pinupuntirayang marating ng mga ground search and rescue team ang site alpha o lugar na mayroong nakitang white object kung saan ito ay ang pinaniniwalaang nawawalang Cessna 206.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engineer Ezikiel Chavez ng Divilacan na pinagtutuunan ngayon ng pansin na makuha ang eksaktong coordinates upang matukoy ang kinaroroonan ng nawawalang eroplano.
Anya puntiryang marating ng ground rescue team ang lugar kung saan doon na sila magpapalipas ng gabi.
Sa ngayon ay pahirapan namang makarating sa nasabing lugar ang aerial rescue team dahil sa mas naging masungit ang panahon ngayong araw
Samantala, Nilinaw naman ni Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Atty Constante Foronda, wala pa rin katiyakan na ang nakitang white object ay ang nawawala nang Cessna 206 dahil posible rin anyang ito ay ang mga nauna nang bumagsak na eroplano noon sa nasabing lugar.
Gayunman, ay malaki anya ang posibilidad na ito ang nawawalang eroplano dahil pasok ito sa 20 kilometer radius mula sa cellsite ng Maconacon kung saan natukoy ang posibleng kinaroonan ng cellphone ng isa sa mga pasahero
Maliban dito ay tugma rin anya ang lugar sa salaysay ng ilang magsasaka na nakakita at narinig sa nasabing eroplano na nagtungo sa nasabing direksyon.
Maliban sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan na nagtutulungan sa paghahanap sa nawawalang eroplano ay tumutulong na rin ang mga Dumagat na mas kabisado ang nasabing kabundukan.