--Ads--

CAUAYAN CITY– Namatay ang mag-asawa habang malubhang nasugatan ang isa pa matapos araruhin ng isang trailer truck na may kargang mga abono ang isang tindahan, bahay at mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada sa National Highway sa Brgy. Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya

Ang namatay na mag-asawa ay sina Frederick Del Mundo, 44 anyos, magsasaka at si Gina Del Mundo, 55 anyos at kapwa residente ng Brgy. Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.

Malubha namang nasugatan si Reginald Macaslam, 38 snyos, laborer, may-asawa at residente rin ng Brgy. Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya

Nagtamo din ng sugat ang driver ng trailer truck na si Jojo Odones, 47 anyos, may-asawa at residente ng Caloocan, Cabatuan, Isabela.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Captain Roger Visitacion, Officer in Charge ng Aritao Police Station na habang binabagtas ng trailer truck ang highway ay bigla umanong nawalan ng control ang driver ng sasakayn nang makarating sa pakurbang kalsada.

Dahil dito ay nag-overshoot ang sasakyan at natamaan nito ang isang kolong kolong, Toyota Hilux na nakaparada sa gilid ng kalsada, at nasapul din nito ang isang tindahan at bahay bago tuluyang bumaliktad ang trailer truck.

Nadaganan ng kargang mga abono ng sasakyan ang mag-asawa na kasalukuyan noong bumibili sa isang tindahan na agad nilang ikinasawi habang nasugatan naman ang isa pang mamimili.

Ayon sa pulisya inamin ng driver ng trailer truck na mayroon siyang hang-over at nakita din sa sasakyan ang ilang bote ng alak.

Desididong magsampa ng kaso ang pamilya ng mga nasawi at nasugatan, maging ang may-ari ng bahay, sasakyan at tindahan laban sa driver.

Nasa pangangalaga na ng Aritao Police Station ang driver, matapos lapatan ng lunas ang tinamo niyang mga sugat.

Handa naman umanong magbigay ng tulong ang may-ari ng trailer truck sa pamilya ng mga biktima.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, serious physical injury and damage to property si Odones.

Ang pahayag ni Police Captain Roger Visitacion.