CAUAYAN CITY– Puspusan pa rin ang isinasagawang ground search and rescue operation para tuluyan nang mahanap ang nawawalang cessna plane.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engineer Ezekiel Chavez ng Divilacan na wala pang nakikita ang mga ground rescue team sa site Alpha dahil hindi magalugad ng husto ang naturang lugar dahil sa makapal na ulap.
Nakarating na rin kahapon ang labing dalawang kasapi ng 14th Special Action Force Batallion sa Maconacon, Isabela at magkakaroon sila ng orientation sa posibeleng kinaroroonan ng nawawalang Cessna Plane bago magsimulang maghanap ang mga pulis.
Sinabi pa niya na mayroon pang karagdagang mahigit apatnapong kasapi ng Special Action Force na sakay ng motorboat mula Santa Ana Cagayan patungong Maconacon at inaasahang darating bukas ng tanghali .
Umaasa sila na tuluyan nang gumanda ang lagay ng panahon sa lugar upang tuloy tuloy na ang isasagawang ground search ng ipinadalang augmentaton force na mga kasapi ng Special Action Force.
Dahil sa masamang lagay ng panahon ay hindi rin magamit ang drone para mahanap ang kinaroroonan ng nawawalang eroplano.
Bukod sa mga kasapi ng Phil. Army ay mayroon na ring mga Dumagat ang gumagalugad sa tinaguriang site Alpha na nakakitaan ng white object na hinihinalang ang nawawalang cessna plane.