CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Ilagan Fire Station sa posibleng pinagmulan ng apoy na sumunog sa isang bahay sa Purok 2, Brgy. Lulutan, Ilagan City kaninang tanghali.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, 11:30 AM nang makatanggap ng tawag ang Ilagan Bureau Fire Station ukol sa sunog na kaagad nilang nirespondehan.
Ganap na 12:56 PM nang ideklarang fireout ng mga kasapi ng pamatay sunog.
Ang bahay na nasunog ay isang family house na pag-aari ng pamilya Talana, at wala umanong tao sa bahay nang mangyari ang insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Irena Talana, isa sa may-ari ng bahay, sinabi niyang bigla na lamang sumiklab ang sunog mula sa kanilang terrace.
Mayroon silang hinala na nagmula ang apoy sa kisame ng kanilang terrace dahil sa kanilang wirings na nginangatngat na ng mga daga.
Dahil gawa sa kahoy ay madaling umakyat ang apoy papunta sa ikalawang palapag ng bahay.
Sinubukan pa umano ng mga kapitbahay ng pamilya na apulain ang apoy subalit hindi na ito napigilan.
Wala din umanong naisalbang gamit ang pamilya at kabilang sa mga natupok ng apoy ay mga kagamitan sa bahay.