CAUAYAN CITY– Wala pa ring nakikitang palatandaan sa kinaroroonan ng nawawalang Cessna 206 plane at sa anim na lulan nito makalipas ang 20 araw na isinasagawang search and rescue operation.
sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engineer Ezikiel Chavez sinabi niya na hanggang ngayon ay sinusuyod pa rin ng mga ground rescuers ang 20 kilometer radius mula sa Maconacon Cellsite subalit hanggang ngayon ay wala pa rin silang natagpuang bakas ng nawawalang eroplano.
Madalas aniya na bumababa ang kaulapan sa kabundukan kung nasaan ang kanilang mga ground rescuers ito ay kahit na nararanasan ang maaliwalas na papawirin sa mainland…
Umakyat na rin aniya ang mga ipinadalang anim na k9 units mula sa PNP explosive ordnance disposal (EOD) Unit sa Camp Crame.
Naka pag adjust na rin sa ngayon aniya ang kanilang mga rescuers habang may ilang rescuers na kasapi ng Bureau of Fire Protection ang nasugatan matapos madulas ngunit nasa maayos nang kalagayan.
Isa sa mga nagiging balakid sa kanilang paghahanap sa nawawalang eroplano at sa mga pasahero ay ang makapal na ulap at masukal na kagubatan.
Pangunahing pangangailangan ngayon ng mga rescuers ang mga karagdagang equipment at pagkain dahil sa ngayon ay delata lamang ang kaya nilang iakyat sa bundok.