CAUAYAN CITY – Hindi pa matiyak ng Land Transportation Office o LTO Cauayan City kung kailan isasagawa ang pangalawang pagsubasta para sa mga impounded na sasakyan sa kanilang tanggapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Supervising Tranportation Regulation Officer 1 Deo Salud ng LTO Cauayan City , sinabi niya na sa kasalukuyan ay inaayos pa nila ang mga maaring ipasubasta.
Matatandaan na noon pang buwan ng Oktobre, 2022 unang isinagawa ang pagpapasubasta at kabilang sa subject for bidding ang 220 units ng motorsiklo; labing tatlong units na may sidecar at dalawang four-wheels o sasakyan.
Nauna nang inihayag ng LTO na ngayong taon mangyayari ang pangalawang bugso ng subastahan ngunit hanggang ngayong buwan ng Pebrero ay walang pang schedule ng pagsubasta sa 237 na ibat-ibang mga sasakyan.
Samantala, walang nakikitang problema ang Land Transportation Office sa panghuhuli sa gabi ng mga kasapi ng Public Order and Safety Division ng pamahalaang Lunsod
Inihayag ni Senior Supervising Tranportation Regulation Officer 1 Salud na walang problema kung nais ng mga kasapi ng POSD na manghuli sa gabi.
Matatandaan na sa mga nakaraang araw at linggo ay sunod-sunod ang mga isinasagawang operasyon ng POSD sa lunsod.
Aniya, ang batas ay 24/7 kaya wala siyang nakikitang mali dito.
Dagdag pa niya na kung hindi nila ito gagawin, paano na lang kung itinataon sa gabi ang paglabas ng mga walang dokumento na tsuper at mismong mga motorsiklo o sasakyan na ginagamit at kolorum.
Inaasahan na sa mga susunod na buwan ay madedeputize na ang mga kawani ng pamahalaan na magiging dagdag workforce ng LTO sa panghuhuli sa mga lumalabag sa mga batas trapiko.