--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang lahat ng anim na sakay ng  Cessna 206 plane na natagpuan kaninang umaga ng composite team sa dalisdis ng bundok sa Ditarum,  Divilacan, Isabela  matapos ang apatnapu’t dalawang  araw na paghahanap.

Matatandaang noong January 24, 2023 ay lumipad ang  Cessna 206 plane RPC 1174 sa Cauayan City  Airport  2:15pm patungong Maconacon, Isabela ngunit hindi nakarating sa destinasyon.

Sakay ng bumagsak na Cessna plane sina Capt.  Eleazar Mark Joven at mga pasahero na sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra at Josefa Perla Espania.

Naipabatid na ng Incident Management Team sa kanilang pamilya ang nangyari sa kanila.

--Ads--

Inihayag ni Atty. Constante Foronda, commander ng Incident Management Team kasama si Engineer Ezekiel Chavez, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Divilacan, Isabela na ang eroplano ay natagpuan sa  dalisdis ng bundok ng  composite team ng PCG Maconacon, Rescue Divilacan, K9 Mandog Sniper at mga  Dumagat na nagsilbing guide ng mga rescue team.

Sinabi ni Engineer Chavez buo pa ang katawan ng mga pasahero ngunit may mga nakasabit at may natagpuan sa lupa.

Inaasahang aabutin ng tatlong araw ang pagkuha sa bangkay ng piloto at mga pasahero depende sa magiging lagay ng panahon.

Sinabi ni Atty. Foronda na dadalhin ang mga ito  sa bayan ng Divilacan at isasakay sa helicopter para dalhin sa Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force sa  Cauayan City.

Dadalhin ang mga ito sa isang punerarya para mailagay sa kabaong bago ipasakamay sa kanilang pamilya.

Magtutungo ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa crash site para magsagawa ng imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano.