CAUAYAN CITY – Naipasakamay na ng militar sa kaniyang pamilya ang labi ng nasawing miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa naganap na sagupaan sa Sitio Babacong, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga noong March 9, 2023.
Ang nasawing NPA ay si Onal Osias Balao-ing alyas Bera, commanding officer ng Rehiyon Yunit Sentro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng 50th Infantry Battalion at ng Komiteng Larangan Guerilla-Baggas at RSDG ay natagpuan ng mga sundalo ang wala nang buhay na katawan ni alyas Beran at dinala sa isang punerarya sa Tabuk City, Kalinga.
Agad namang nakipag-ugnayan ang 5th ID katuwang ang LGU Balbalan sa mga kaanak ng nasawing NPA sa tulong na ng mga dating rebelde.
Nagtungo sa punerarya ang mga kamag-anak ng NPA at kinuha ang kanyang bangkay.
Batid umano ng mga kaanak ni Balao-ing na sumapi siya sa komunistang grupo at matagal na nanatili bilang commanding officer.
Matatandaan na noong ikasiyam ng Marso ay naganap ang sagupaan sa pagitan ng 50IB at teroristang grupo sa Sitio Babacong, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga at narekober din ang dalawang mataas na uri ng baril at mga subersibong dokumento.