CAUAYAN CITY – Hindi pa rin matanggap ni Ginang Anna May Kamatoy ang pagkamatay ng dalawang anak, kapatid at pamangkin sa pagbagsak ng Cessna 206 plane noong January 24, 2023 sa Ditarum, Divilacan, Isabela.
Nakaburol ngayon ang kanilang bangkay sa chapel ng Franceville Subdivision sa Silang, Cavite at nakatakdang ilibing sa Sabado.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Kamatoy, sinabi niya na hindi niya itinuloy ang pagpunta sa Isabela noong Sabado dahil naninikip ang kanyang dibdib at hindi kayang harapin ang katotohanan na makikita na niyang bangkay ang kanyang dalawang anak.
Ang kanyang ina na si Ginang Wilma Kamatoy at isa niyang kapatid ang nagtungo sa Cauayan City at kumilala sa bangkay ng apat nilang kapamilya.
Nabanggit ni Ginang Kamatoy na napaginipan ng isa pa niyang anak ang kanyang kuya na inaya siyang sumakay ng kanyang motorsiklo at mag-stroll ngunit sa memorial park sa kanilang lugar sila nagpunta. Ito ang dahilan kung bakit nagpasya si Ginang Kamatoy na doon ilibing ang dalawang anak, kapatid at pamangkin.
Samantala, inihayag ni Ginang Kamatoy ang kanyang kanyang labis na pagkadismaya dahil matapos maihatid ang bangkay ng kanyang mga kapamilya ay pinabayaan na umano sila ng tagapamahala ng bumagsak na eroplano.
Ito ang dahilan aniya kung bakit humingi sila ng tulong sa pamahalaang lokal ng Silang, Cavite para maibili ng paglilibingan sa apat nilang kapamilya.
Binigyang-diin ni Ginang Kamatoy na walang halaga na makakatumbas sa pagkawala ng dalawa niyang anak ngunit hindi sila dapat pinabayaan hanggang sa pagpapalibing sa kanila dahil kulang ang hawak nilang pera.
Pag-uusapan nila aniya ng kanyang pamilya kung ano ang magiging hakbang nila laban sa kompanyang may-ari ng eroplano pagkatapos ng libing ng kanilang mga mahal sa buhay.
Labis namang nagpapasalamat si Ginang Kamatoy sa mga search and rescue team na nagsakripisyo at hindi tumigil hanggang matagpuan ang bumagsak na Cessna plane.
Samantala, sa pagkuha ng Bombo Radyo Cauayan sa panig ni Atty. Gilbert Bautista, legal counsel ng HML Construction Company na namamahala sa eroplano, sinabi niya na iginagalang nila ang pagdadalamhati ng pamilya Kamatoy sa pagkawala ng apat na mahal sa buhay.
Nakausap niya ang kanilang kamag-anak bago naiuwi ang apat na biktima at nagbigay sila ng tulong sa abot ng kanilang makakaya.
Magkakaroon aniya ng pag-uusap pagkatapos maibilibing ang labi ng mga biktima.
Sa ngayon ay hahayaan mula sila na payapang magdalamhati.