--Ads--

CAUAYAN CITY – Pormal nang nagtapos kagabi ang 2023 Philippine Athletics Championship na nagsimula noong ika-dalawampu ng Marso sa lungsod ng Ilagan.

Sa naging pagsasalita ni Mayor Jose Marie Diaz ay pinasalamatan nito ang lahat ng mga stakeholders gayundin ang iba’t ibang delegado na mula sa pitong bansa kabilang ang Pilipinas, Malaysia, Brunei, Thailand, Indonesia, Vietnam at Iraq.

Aniya, isa sa pinakamagandang nangyari sa isinagawang Philippine Athletics Championship ay ang pagkakabuo ng pagkakaibigan hindi lamang para sa mga atleta kundi para sa lahat.

Nagpasalamat din siya sa Philippine Athletics Track and Field Association o PATAFA sa pagpili sa lunsod ng Ilagan bilang host sa ikaapat na pagkakataon dahil muli ay naipakita nila ang kakayahan ng lunsod para humawak ng mga ganitong sporting events.

--Ads--

Samantala, sa naging pagsasalita naman ni PATAFA president Terry Capistrano, tiniyak nito na sa susunod na Philippine Athletics Championships ay isasagawa muli sa lunsod ng Ilagan.

Pinasalamatan niya ang organizing committee dahil sa naging matagumpay na pagsasagawa Philippine Athletics Championships gayundin ang mga atleta na naging kalahok para maisagawa ang palaro.

Nagtanghal ang singer/actress na si Vina Morales sa closing ceremony kagabi ng Phil. Athletics Championships.

Maraming mga mamamayan  ang nag-abang sa closing and awarding ceremony para makita ang guest celebrity gayundin ang magarbong fireworks display.