CAUAYAN CITY – Nasunog ang isang bahay sa Minante Uno kaninang madaling araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng may-ari ng bahay na si Romeo Andres na nagising siya dahil may kumalampag sa kanilang bubong at paglabas niya ay malakas na ang apoy sa kanilang kusina.
Naging mabilis aniya ang pagkalat ng apoy dahil gawa sa light materials ang bahay.
Ligtas naman na nakalabas ang mga anak ni Ginoong Andres.
Nagtamo siya ng sugat sa kamay dahil sa paghila sa mga gamit sa kanilang bahay na nais niyang isalba. Kahoy aniya ang ginagamit nila sa pagluluto ngunit binuhusan niya kagabi ng tubig bago sila natulog.
Walang nadamay na ibang bahay sa pagkasunog ng bahay ni Ginoong Andres dahil sa pagtugon ng mga kagawad ng pamatay sunog ng BFP cauayan City, CCDRRMO Fire Station at Nansing Fire Station.
Nananawagan naman ng tulong si Ginoong andres dahil wala silang nailigtas na gamit mula sa loob ng bahay.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kasapi ng Bureau of fire protection sa nangyaring sunog kaninang madaling araw sa Minante 1, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 Arnel Quilang ng BFP Cauayan City, sinabi niya na pasado alas-tres nang maitawag sa kanila ang sunog kung saan pagdating nila sa lugar ay halos natupok na ng apoy ang buong bahay.
Hindi rin anya nila agad na nabugaan ng tubig ang bahay dahil sa nagsspark pa ang kuryente kayat tumawag muna sila sa ISELCO upang putulin ang linya ng kuryente at hindi makaaksidente sa mga kasapi ng kawanihan ng pamatay sunog.
Dahil dito ay inuna muna nilang apulahin rin ang apoy sa mga posibleng madamay na bahay sa likod nito. Matapos maayos ang linya ng kuryente ay agad naman na nilang naapula ng sunog.
Ayon pa kay Senior Fire Officer 2 Quilang, wala pa silang pagtaya kung magkano ang naitalang pinsala sa sunog at hindi pa nila masabi kung ano ang pinagmulan nito.
Kaugnay nito ay nagpaalala naman ang Bureau of Fire Protection sa mga mamamayan na maging maingat sa paggamit ng mga kagamitang de kuryente, ipacheck sa mga lehitimong electrician ang linya ng bahay at maging maingat din sa iba pang posibleng pagmulan ng sunog.