--Ads--

CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang isinagawang Farmers Forum ng mga magsasakang nagtatanim ng sibuyas sa ikalawang rehiyon na ginanap sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na ang naturang Farmer’s Forum ay dinaluhan ng mga magsasaka ng sibuyas mula sa Nueva Vizcaya; Roxas at Aurora sa Isabela; Santo Niño, Cagayan at may ilan din na galing sa Region 3 at mga Local Chief Executives.

Nagkaroon ng consultation sa mga nagtatanim ng mga sibuyas at nagpalitan ng kanilang mga karanasan sa pagtatanim.

Inalam din ang kanilang hinaing at suliranin sa pagtatanim ng sibuyas.

--Ads--

Karamihan anyang nais malaman ng mga magsasaka ay kung paano maka-utang sa Land Bank of the Philippines.

Inihayag pa ni Regional Executive Director Edillo na may Federation na binubuo ng labing isang Kooperatiba na pangunahing organization na nag-cluster at nagkaisa para sila na ang mamahala sa ipinagkaloob ng Kagarawan ng Pagsasaka na cold storage na may kapasidad na 10,000 bags.

Nakita niya  na may laman na itong mahigit 8,000 bags ng sibuyas na na-classify sa small, medium and large habang ang iba pang miyembro ng kooperatiba ay nag-aani pa rin ng sibuyas.

Aniya ang Federation ng mga kooperatiba ay may 1,148 members.

Tuwang-tuwa naman ang mga magsaasaka ng sibuyas dahil sa maibebenta na nila ang kanilang mga ani at hindi na babaratin ng mga middleman.

Sinasanay na ng mga miyembro ng kooperatiba sa enterprising at sa agri-business para hindi lamang pagtatanim ang kanilang matutunan kundi maging sa pagnenegosyo.

Tinuturuan ang mga magsasaka ng consolidation at clustering o sabay-sabay ng pagtatanim na mahalaga para magkaroon ng maramihang  produksiyon para sa mga institutional buyers.

Sa ngayon ay aabot sa 70 hanggang 120 pesos bawat kilo ang presyo ng sibuyas na naka-depende sa size.