--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakipagpulong na ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD sa mga may-ari ng resorts sa lunsod ukol sa seguridad na ipapatupad upang maging ligtas ang mga mamamayan na magswimming sa semana santa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin, na nakipagpulong na siya sa dalawamput isang resort owners dito sa lunsod at ipinaalala sa kanila ang mga kalakaran na ipinapatupad tuwing semana santa.

Nagtungo sila sa bawat resort upang personal na makita kung mayroon silang mga lifeguard.

Pinasiguro rin nila na bihasang lumangoy ang mga nasabing lifeguards upang may tutugon sakaling may hindi kanais nais na pangyayari sa mga nagsu-swimming.

--Ads--

Dapat din na bente-kwatro oras ang magiging duty ng mga lifeguards lalo pa at nakaugalian ang magdamagang selebrasyon.

Hindi naman aniya ipagbabawal kung sakaling may mga customers na gustong mag-inuman subalit dapat limitahan ang dami ng alak na iinumin.

Paalala niya na huwag pabayaan ang mga tao na umabot sa matinding kalasingan at sa puntong mananakit o di kaya ay sila mismo ang ma-aksidente.

May karapatan din aniya  ang mga empleyado ng resorts na limitahan ang dami ng alak na ibebenta sa mga customers at Kung sakaling may magpumilit o magpakita ng hindi kanais nais na pag-uugali ay itawag sa pulisya upang agad na matugunan.