CAUAYAN CITY– Nakapagtala ang bayan ng Dinapigue, Isabela ng panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa tatlong baboy sa Brgy. Digumased, Dinapgue, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Agriculture Officer Sonnyfel Nieves ng Dinapigue, sinabi niyang posibleng galing ang sakit mula sa katabing bayan ng Dilasag, Aurora.
Dahil dito ay kaagad silang nagsagawa ng culling sa nasabing barangay lalo na sa mga may babuyan isang daang metro mula sa mga nagpositibo sa sakit..
Ibinaon ang mga pinatay na baboy upang hindi na makahawa pa.
Naglabas na din ng kautusan ang pamahalaang lokal ng Dinapigue, na nagbababawal nang pagpasok, paglabas, pagkatay at pagtitinda ng mga karne ng baboy maging ang mga processed meat.
Nagsasagawa na din umano sila ng 24 oras na checkpoint kada barangay upang matiyak na walang lalabag sa kautusan.
Sa ngayon ay masasabi na umanong under control ang sitwasyon, at umaasa silang wala nang magpopositibo o magpapakita ng sintomas ng sakit.