CAUAYAN CITY – Nadiskubre ng mga otoridad sa tabi ng isang sapa sa Sitio Quimag, San Carlos, Echague, Isabela ang halos 2,000 na bala ng iba’t ibang klase ng baril na pinaniniwalang pag-aari ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Aabot sa 245 na bala ng M14 rifle at 1,523 na bala ng M16 rifle ang nakuha na nakasilid sa isang asul na container at iniwan sa tabi ng sapa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station sinabi niyang nagmula ang impormasyon sa kinaroroonan ng mga bala sa isang dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Malaki ang posibilidad na pag-aari ito ng mga makakaliwang grupo na nakasagupa ng mga otoridad noong taong 2017 sa naturang barangay.
Aniya posibleng iniwan ito habang papatakas ang mga rebelde patungo sa bayan ng Jones, Isabela.
Sa ngayon ay walang namomonitor ang pulisya na aktibidad ng NPA sa bayan ng Echague ngunit hindi nila isinasantabi ang posibilidad na aktibo pa rin ang grupo sa nasabing bayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may nangyayaring recruitment ng grupo sa mga eskwelahan sa Echague, Isabela.
Mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang matiyak na walang gumagalang mga makakaliwang grupo sa kanilang nasasakupan.